Cauayan City, Isabela- Dinakip sa hiwalay na operasyon ng mga operatiba ang anim(6) katao dahil sa iligal na bolahan ng jueteng sa Bliss Village, City of Ilagan, Isabela kahapon, June 15, 2021.
Sa ulat ng CIDG Isabela sa pangunguna ni PMaj. Joel Cabauatan, Officer-in-Charge, nagkasa sila ng operasyon katuwang ang CIDG Anti Organized Crime Unit, IPPO, PIU, PNP Cauayan at PNP City of Ilagan.
Kinilala ang mga naaresto na sina Honofre Acosta, 48-anyos, residente ng Brgy. Alibagu, Ilagan, Isabela; Raymund Acaso, 40-anyos na tubong Bacolod City, Negros Occidental at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Bliss Village subd., City of Ilagan.
Hinuli rin sina Raffy Tagir, 36-anyos, Jhon June Villamor, 32-anyos na kapwa residente, Nueva Ecija;Jerwin Garcia, 25-anyos, residente ng Pampanga at Elvin Villalobos, 27 years old, binata at residente ng Bacolod City, Negros Occidental.
Kumpiskado naman sa mga suspek ang mahigit P50,000 bet money at mga gamit sa iligal na jueteng.
Ito umano ang nangangasiwa sa bolahan na pawang mga kabo, rebisador at table manager.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong PD 1602 o Anti-Illegal Gambling Law.