6 Miyembro ng 4P’s na Nahuli sa Pagsusugal, Nakasuhan na!

110371

Cauayan City, Isabela- Nasampahan na ng kasong paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling ang anim (6) na miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s na nahuli sa aktong pagsusugal sa Brgy. Annafunan, Tumauini, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Eugene Mallillin, Hepe ng PNP Tumauini, nananatili pa rin sa kanilang kustodiya sina Helen Zipagan, 36 anyos, may asawa; Judith Roriguez, 26 anyos, may asawa; Leticia Denguray, 50 anyos may asawa; Mary Jane Caliguiran , 27 anyos, may asawa; Vicky Canceran 52 anyos, may asawa at Elena Laman, 57 anyos, may asawa na pawang mga walang trabaho at residente ng Brgy. Annafunan, Tumauni, Isabela.


Beberipikahin sana kahapon ng kaniyang kapulisan ang kanilang natanggap na sumbong mula sa DSWD subalit nang sila’y makarating sa lugar ay naaktuhan na naglalaro ng ‘Tong-its’ at Pepito ang mga suspek.

Sinubukan pang tumakas ng mga nagsusugal subalit nadakip rin ang mga ito.

Nabatid na halos araw-araw umano na nagsusugal ang mga nahuli.

Facebook Comments