Nakatakdang aprubahan ng Senado ang Joint Resolution Number 9 na inendorso ni Committee on Finance Chairperson Senator Sonny Angara para mapalawig ang bisa ng 2019 national budget hanggang sa susunod na taon.
Paliwanag ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, kailangan ito para matapos ang mga proyekto na atrasadong naumpisahan ngayong taon dahil sa atrasadong naisabatas ang 2019 budget.
April 15 lamang naisabatas ang 3.757- trillion pesos na budget ngayong taon dahil nagkagirian ang Senado at Kamara sa isyung may nakasiksik umanong ilegal pork barrel ang mga konggresista noong 17th Congress.
Ayon kay Zubiri, bunga nito ay naantala ng anim na buwan ang mga proyekto kaya mayroon ditong nasa 70 hanggang 80 percent pa lang na natatapos at mayroon namang katatapos pa lang ng bidding.