Patuloy sa pangangalampag sa gobyerno ang ilang transport group kaugnay ng apela nilang suspendihin ang excise tax sa langis.
Ito ay kahit dinoble na ng pamahalaan ang pondo para sa fuel subsidy ng mga tsuper at operators kapalit ng pagbawi nila sa hirit na pisong provisional increase.
Ayon kay PISTON President Ka Mody Floranda, bagama’t makakatulong ang subsidiya ay hindi pa rin ito ang reresolba sa problema ng mga mamamayan.
Para sa grupo, mas makikinabang ang lahat kung sususpendihin muna ang fuel excise tax sa loob ng anim na buwan.
Sa pamamagitan kasi nito ay maiiwasan ang taas-pasahe kaya mapipigilan din ang taas-presyo ng mga bilihin na malaking tulong sa mga mamamayan.
Giit pa ni Floranda, hindi naman dapat masyadong ikabahala ang pagsususpinde sa excise tax dahil hindi lang naman dito kumukuha ng kita ang gobyerno.
Samantala, bago ang bantang tigil-pasada sa March 15 ay posibleng magsagawa pa ng ibang pagkilos ang grupo ng mga tsuper.