6 na CAFGU na bihag ng NPA, pinalaya kahapon

Agusan del Sur – Nakalaya na sa pagkakabihag ng NPA ang anim na CAFGU sa Barangay San Juan, Bayugan City, Agusan del Sur ng alas-6 ng hapon kahapon, Araw ng mga Puso.

Pero ayon kay 4ID Spokesperson Captain Regie H. Go, ang pagpapalaya sa mga bihag ay hindi ginawa sa ngalan ng kapayapaan, kundi para sa sariling “survival” ng mga NPA kidnappers.

Paliwanag ni Go, nakakasagabal na kasi ang mga bihag sa pagtakas ng mga NPA kidnappers sa mga tumutugis na pwersa ng militar at nauubos na rin ang kanilang supply sa pagpapakain sa mga bihag.


Kinilala ang anim na CAFGU na sina: Jurian B. Gaviola, Marson C. Iligan, Bienvinido A. Lamion, Eddie J. Tindoy, Sanny G. Malobay at Hermito M. Iligan.

Ang mga ito ay kasama ng grupo ng dalawang sundalo 13 CAFGU Active Auxiliaries (CAAs) mula sa New Tubigon Patrol base sa Sibagat, Agusan del Sur na dinukot ng NPA noong December 19, 2018.

Ayon naman kay 4 ID Commander Brigadier General Franco Nemesio M. Gacal, kahit na pinakawalan ng NPA ang kanilang mga bihag, ang mga dumukot ay mananagot pa rin sa batas.

Malinaw aniya na paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) ang ginawa ng NPA na pag-gamit sa mga bihag para i-pressure ang gobyerno na itigil ang operasyon laban sa CPP-NPA at buhayin ang naudlot na peace talks.

Facebook Comments