Quezon City – Simula sa Lunes anim na lugar sa Quezon City ang lalagyan ng checkpoints ng Quezon City Veterinary Department.
Ayon kay City Veterinarian Dr. Ana Cabel, bahagi ito ng paghihigpit na gagawin nila para matiyak na hindi makakalusot sa mga pamilihan ng lungsod ang mga livestock products partikular ang baboy sa mga lugar na may napabalitang pagkamatay ng mga baboy dahil sa sakit.
Babantayan ng City Veterinary Office ang posibilidad na dumami ang mga double dead meat o bocha.
Masusi nilang iinspeksyunin ang livestock at karne at agad kukumpiskahin kung makitaan ito na double dead, kontaminado, may sakit at iba pa.
Hinahanda na ang disinfectants, tent at iba pang gagamitin sa inspeksyon.
Ayon naman kay QCPD Chief Brigadier General Joselito Esquivel, may walong pulis sa kada checkpoint na itatalaga para sa seguridad at law enforcement.