Napigilan ng Batangas Port Authority ang tangkang pagsakay sa barko ng anim na construction worker na nakasakay sa ambulansya ng Occidental Mindoro Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.
Sinabi ni Batangas Port Manager Joey Cruz, nagpanggap umanong mga pasyente ang anim na construction worker ng ito ay nakasakay sa ambulansya.
Ngunit sa pagbeberipika ng Batangas Port Police, nadiskubreng hindi pasyente ang mga ito kundi mga construction worker galing ng Maynila na uuwi sana sa Occidental Mindoro.
Agad itong dinala sa tanggapan ng Batangas Port Police upang pakainin dahil sa sobrang gutom na naranasan.
Matapos maaresto, tumawag umano ang PDRRMO Head ng Occidental Mindoro na si Mario Mulingbayan upang sabihing matagal nang stranded ang nasabing mga pasahero sa Batangas.
Nangako naman ang pamahalaang lalawigan ng Occidental Mindoro na isasailalim naman ang mga ito sa 14-day quarantine protocol.