
Hawak ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pitong indibidwal na sangkot sa pag-eespiya sa Grande Island sa Subic Bay.
Limang Chinese nationals, isang Cambodian at isang Pinoy na nagsilbing drayber at security aid ng grupo ang nasa kustodiya ng NBI.
Na-recover sa kanila ang mga pekeng dokumento at gadgets kung saan nakita ang mga larawan at videos ng mga barko ng Pilipinas at U.S Navy.
Base sa intelligence report na nakalap ng Armed Forces of the Philippines, ang Grande Island ay pinatatakbo ng isang Chinese corporation.
Dito isinagawa ang operasyon ng mga dayuhan na nagpapanggap umanong nangingisda pero natuklasan ng mga militar na nagpapalipad ito ng drone gamit ang isang fishing boat para umano ay maniktik.
Pinag-aaralan pa ng NBI kung kontektado ang mga inarestong indibidwal sa iba pang kaso ng espionage noong mga nakaraang buwan.
Habang patuloy na susuriin ng NBI forensic laboratory ang mga ebidensiya na nakumpiska mula sa anim na foreign nationals.