
Naaresto ng District Special Operations Unit (DSOU) ng Southern Police District (SPD) ang anim na indibidwal dahil sa illegal selling, distribution, at posibleng manufacturing ng hindi rehistradong vaporized nicotine at non-nicotine products.
Isinagawa ang operasyon sa Manuel Banzon Street, BF Resort Village, Barangay Talon Dos, Las Piñas City at dito nahuli ang mga suspek na sina alyas Janus at limang iba pa.
Naaktuhan ang anim na suspek na nagbebenta ng iligal na vape products at kumpirmadong hindi rehistrado, non-compliant at hindi kasama sa official list ng Certified Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products.
Narekober din sa mga suspek ang ilang kahon ng vape products, raw materials, mga galon na hinihinalang naglalaman ng vape liquid at ilang makina na ginagamit sa filling, sealing, at packaging.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), malaki ang posibilidad na nagkakaroon ng illegal manufacturing activities base na rin sa presensiya ng naturang mga makina.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11900 o ang “Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act.”
Ibig sabihin, posibleng makulong ang mga ito ng dalawa hanggang sa anim na taon at posible ring pagmultahin ng P2 million hanggang P5 million.










