6 na kabataan na inaresto sa gitna ng rally sa US Embassy ngayong Labor Day, kakasuhan – MPD

Mahaharap sa patung-patong na kaso ang anim na kabataan na nagpumilit pumasok sa US Embassy kanina sa gitna ng isinasagawang kilos protesta ngayong Labor Day.

Ayon kay Manila Police District Spokesperson Major Philipp Ines, kabilang na rito ang paglabag sa Batas Pambansa No. 880 kaugnay sa pagsasagawa ng mga pagtitipon at vandalism.

Ito ay matapos na sulatan ng mga raliyista ang isang sasakyan ng pulis.


Sinabi pa ni Ines na walang permit ang mga nagsagawa ng rally para magpunta sa harapan ng embahada.

Sa kabila nito, pinayagan pa rin ng MPD ang mga militante na ituloy ang kanilang kilos protesta kung saan mapayapa naman itong nagtapos bandang ala-una ng hapon.

Nagsagawa ng kilos protesta ang iba’t ibang grupo para ipanawagan ang kanilang mga hinaing gaya ng kumento sa sahod, pagtutol sa umano’y pakikialam ng gobyerno ng Amerika sa Pilipinas, at sa consolidation sa ilalim ng PUV Modernization Program.

Facebook Comments