Tinukoy ni Agriculture Secretary William Dar ang ilang mga lugar sa bansa na nakapagtala ng panibagong African Swine Fever outbreak.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dar na kabilang sa mga ito ang Albay, Laguna, Quirino, Quezon, Batangas at Cavite City.
Kasunod nito, sinabi ni Dar na malaking tulong ang ipinatupad na lockdown sa bansa dahil sa COVID-19 upang hindi na maikalat pa ang ASF sa iba pang rehiyon.
Sa ngayon, katuwang ng ahensya ang mga Local Government Unit (LGU) sa pagbabantay upang hindi maipuslit palabas ang mga baboy na may sakit.
Samantala, dahil sa ASF nagkaroon aniya ng pagbaba ng suplay ng mga baboy sa merkado.
Dalawang estratehiya aniya ang ginagawa ngayon ng Department of Agriculture (DA) upang maibsan ang epekto ng pagbaba ng suplay ng karneng baboy, ito ay sa pamamagitan ng pag-import ng mga baboy sa ibang bansa liban sa Germany na nakapagtala rin ng ASF outbreak.
At ang pagpapalakas sa poultry industry na pwedeng alternatibo sa karneng baboy.