*Cauayan City, Isabela- *Dinampot ng mga otoridad ang anim na kabataang menor de edad matapos makita noong nakaraang gabi sa loob ng isang computer shop sa Brgy San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Abegail Bautista, Deputy Admin Head Officer ng PNP Cauayan City na namataan ang mga menor de edad pasado alas diyes na ng gabi sa nabanggit na lugar.
Dahil dito ay nanawagan si PCI Bautista sa lahat ng mga magulang na maging responsable at magkaroon ng kamalayan sa kanilang mga anak lalo na kapag dis oras na ng gabi.
Nanawagan rin si PCI Bautista sa mga Computer shop owners at Videoke bar na huwag hayaang mamalagi ang mga menor de edad bago ang curfew hour.
Nagbigay naman aniya ng Warning at paalala ang PNP Cauayan City sa mga establisyimento na hinahayaan ang mga menor de edad sa kanilang puwesto.
Dinala na sa kani-kanilang bahay ang mga nadampot na kabataan at napagsabihan na rin anya ang kanilang mga magulang hinggil sa ipinapatupad na curfew hour para sa mga menor de edad.
Samantala, kinumpirma rin ni PCI Abegail Bautista na zero casualty ang Lungsod ng Cauayan sa anumang uri ng paputok at ashtray bullet na may kaugnayan sa pagsalubong sa bagong Taon.