Target ng pamahalaan na dumami pa ang mga mababakunahan sa bansa.
Kaya maglulunsad muli ng ikatlong round ng “Bayanihan, Bakunahan” sa darating sa February 10 at 11.
Sa ‘Talk to the People’ kagabi, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque na kasama na sa gagawing ikatlong national vaccination days ang mga batang 12 hanggang 17 taong gulang para bakunahan.
Aniya, anim na milyong mga Pilipino ang target na mabakunahan dito kung saan dalawang milyon ay para mabigyan ng primary doses habang ang apat na milyon ay para bigyan ng booster shots.
Ayon pa kay Duque, 16 na rehiyon ang target na pagdausan nang sabay-sabay ang ‘Bayanihan, Bakunahan’ part 3 kasama na ang BARMM.
Kaya panawagan nito sa publiko, magpabakuna na upang maiwasang mauwi sa severe o critical ang kondisyon kapag tinamaan ng COVID-19, mabawasan ang bilang ng maoospital at mabawasan ang masasawi sa naturang sakit.