Pinatatanggal na sa serbisyo ng Philippine National Police (PNP) Internal Affairs Service o PNP IAS ang 6 na pulis na inireklamo ng pananakit at pagnanakaw sa isang vendor sa Caloocan City.
Ayon kay Atty. Alfegar Triambulo, PNP IAS Inspector General, nagsumite na sila ng rekomendasyong sibakin ang 6 sa sebiryso sa tanggapan ng PNP directorate for Personnel Records and Management – Discpline Law and Order Division.
Kinilala ang anim na pulis na mga miyembro ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan Police Station na sina:
PCpl. Noel Sison
PCpl. Rommel Toribio
PCpl. Ryan Sammy Mateo
PCpl. Jake Rosima
PCpl. Mark Christian Cabanilla
PCpl. Daryl Sablay
Napatunayang guilty ang 6 na pulis na sa kasong grave misconduct and conduct unbecoming of a police officer.
Sinabi ni Atty. Triambulo bigo ang mga pulis na ito na magpaliwanag sa kanilang ginawa sa vendor na nakunan ng CCTV.
Ang 6 na pulis na ito ay nag-viral sa social media matapos makunan ng CCTV ang ginawang pagpapaluhod at pagbatok sa vendor na si Eddie Yuson noong March 27, 2022.
Nakunan din ng CCTV ang pagkuha ng pera ng mga pulis sa bag ng vendor na nagkakahalaga ng ₱14,000.
Kapag inaprubahan ni PNP officer in charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr., ang rekomendasyon ng IAS ay tuluyan na silang sibak sa serbisyo, walang makukuhang anumang benepisyo sa PNP at hindi na kailanman makakapagtrabaho sa gobyerno.