Ni-relieved sa pwesto ang anim na pulis na nakatalaga sa Marigondon, Lapu-Lapu City Cebu dahil sa umano’y panggugulpi sa isang working criminology student.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) PIO Chief PBGen. Jean Fajardo, kabilang sa mga inalis muna sa pwesto ang Station 4 commander na isang police major, chief clerk, desk officer, isang sarhento, isang patrolman at isang imbestigador.
Sa impormasyong nakarating sa PNP, nag-ugat ang insidente matapos madawit umano sa pagnanakaw ang biktima sa binabantayan nitong bahay kung saan siya ang caretaker.
Dito inaresto ang biktima at pilit umanong pinaaamin habang sinasaktan sa pamamagitan ng pamamalo ng arnis at pananampal.
Sinabi ni Fajardo na itinatanggi ng mga idinadawit na pulis na sinaktan nila ang biktima pero upang hindi aniya mainpluwensyahan ang imbestigasyon, kinailangang alisin sa pwesto ang mga sangkot na pulis.