Tinatayang nasa anim na residente sa Manay town sa Davao Oriental ang nasawi dahil sa diarrhea na posibleng dulot ng cholera outbreak.
Ayon sa provincial health office ng lugar, idineklara na ang diarrhea outbreak sa apat na barangay sa Manay kung saan 8 kaso ang nakita sa barangay Guza, 7 sa barangay Central, 5 sa barangay Del Pilar at 24 sa barangay Cayawan.
Sa kabuuang 44 na kaso, 26 na ang naka-rekober, 10 ang nagpapagaling sa tahanan at dalawa ang naka-admit pa sa Davao Oriental Provincial Hospital-Manay.
Dalawa naman sa anim na nasawi ay dahil sa acute renal failure secondary to severe dehydration.
Sa ngayon, nakapagpamahagi na ang pamahalaan ng chlorine at aqua tabs sa 350 kabahayan kung saan pinayuhan na rin ang mga residente na huwag munang inumin ang mga tubig sa kanilang lugar hangga’t hindi pa ito nasusuri.