Naka-quarantine na ang 6 na stall owners at isang helper ng Pasay Public Market matapos magpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Pasay Public Market Officer-in-Charge Administrator Teodoro Velasco, ngayong araw lamang lumabas ang resulta ng RT-PCR test ng mga ito at agad na magsasagawa ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga ito.
Sa kabila nito, kinumpirma ni Velasco na tuloy pa rin ang operasyon ng Pasay Public Market na nasa Libertad at Taft Avenue.
Wala pa naman aniya kasing kautusan ang City Health Office ng Pasay para magpatupad sila ng lockdown.
Mahigpit naman anyang ipinatutupad ng pamilihan ang health at safety protocols, at ang pagdi-disinfect sa mga pwesto ng palengke tatlong beses kada araw.
Sinabi pa ni Velasco na umabot na sa 1,020 ang tenants at vendors ng nasabing pamilihan na naisailalim sa swab test ng Pasay City Health Office sa nakalipas na apat na araw na nagsimula noong Sabado.
Target nilang maisailalim sa swab test ang kabuuang 1,600 hanggang 1,800 na mga nagtatrabaho sa pamilihan upang mapigilan ang pagkalat ng virus.