6 na tauhan ng PNP-CIDG, inilagay sa restrictive custody matapos umanong palitan ng “boodle money” ang perang nakuha sa operasyon sa Bataan

Sa pulong balitaan na ginanap sa Kampo Krame, sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group Director Police Major General Robert Alexander Morico II na inilagay nila sa restrictive custody ang anim na tauhan nito matapos umanong palitan ng “boodle money” ang pera na nakuha sa isinagawang operasyon ng CIDG noong Oktubre nakaraang taon.

Nasa mahigit 141 milyong piso umano ang nakuha sa operasyon ng CIDG sa Central One Compound sa Bagac, Bataan, isang POGO hub na may search warrant dahil sa paglabag sa Anti-Trafficking Act of 2003.

Kaugnay nito, Nobyembre ngayong taon ay naglabas ng order ang Korte para isauli ang pera para magamit na ebidensya sa nasabing kaso ngunit nang ibalik na ng mga operatiba ng CIDG, kulang ito ng mahigit 13 milyong piso.

Sa inisyal na imbestigasyon ay pinaghati-hatian ng mga nasabing anim na tauhan ng CIDG ang nasabing pera.

Dahil dito, sinampahan na ng reklamong qualified theft, malversation of public funds of property at falsification of public documents at iba pa.

Bukod dito ay nahaharap din sa kasong administratibo ang mga ito.

Sa ngayon, nasa kustodiya sa Head Quarters sa Kampo Krame ang mga nasabing personnel.

Samantala ay iniimbestigahan na rin si Police LtCol. Joey Arandia dahil siya ang dating chief ng Anti-Organized Crime Unit at nagsilbing ring evidence custodian ng nasabing mga pera.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa nasabing insidente.

Facebook Comments