Cauayan City, Isabela- Natimbog sa magkakasabay na pagsisilbi ng warrant of arrest ng mga otoridad kahapon, Agosto 30, 2020 ang anim (6) na kabilang sa Top Most Wanted person sa municipal, provincial at regional level.
Kinabibilangan ito ng Top 5 Regional level at Top 2 City Level ng Lungsod ng Santiago na kinilalang si Justine Ong, 23 anyos, binata, residente ng Brgy. Caloocan, Santiago City.
Isinilbi ang magkahiwalay na warrant of arrest kay Ong sa Brgy. Mangino, Gapan, Nueva Ecija para sa kaso nitong Murder at paglabag sa R.A 9262 o Violence Against Women and Children Act (VAWC).
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kaso nitong pagpatay habang nasa halagang Php24,000.00 naman ang inilaang piyansa nito sa kasong VAWC.
Huli rin ng mga kasapi ng PNP Dinapigue ang Top 3 Most wanted sa municipal level na si Romeo Balatibat, 36 anyos, walang asawa, karpintero, residente ng Brgy. Digumased, Dinapigue, Isabela.
Nadakip ang akusado sa Brgy. Gabut, Dupax Del Sur sa lalawigan ng Nueva Vizcaya sa bisa ng isinilbing warrant of arrest dahil sa kaso nitong panggagahasa na may kaukulang piyansa na Php200,000.00.
Naaresto rin ng mga alagad ng batas sa brgy. Busilac Alfonso Lista, Ifugao ang itinuturing na Top 5 Provincial level na kinilalang si Roderick Pumihic, 45 anyos, residente ng Namillangan, Alfonso Lista, Ifugao.
Nahaharap naman ito sa kasong Robbery with force upon things at pansamantalang makakalaya sa kulungan kung makakapagpiyansa ng halagang Php120,000.00.
Kalaboso rin ang isang Ginang na Top 8 Most wanted municipal level dahil sa kasong Qualified theft.
Ang akusado ay nakilalang si Rudyline Dela Criz, 34 anyos, may asawa at residente ng Brgy. 2, Jones, Isabela.
Pansamantalang makakalaya ang nasabing Ginang kung makakapaglagak ng piyansang Php50,000.00.
Panghuling nadakip ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang dalawang negosyante na wanted naman sa kasong Estafa.
Kinilala ang dalawang akusado na sina Joseph Bergonia, 48 anyos, at Agnes Bergonia, 44 anyos, na pawang residente ng Maligaya, Cauayan City, Isabela.
Ang mga akusado ay dinala sa kanilang himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at disposisyon.