6% ng GDP, ipinalalaan sa edukasyon

Isinusulong sa Kamara na paglaanan ng bahagi ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa ang mga ahensya na may kaugnayan sa edukasyon.

Sa House Bill 1783 na inihain ng Makabayan Bloc, pinagtatabi ng 6% sa Gross Domestic Product (GDP) ang pamahalaan at ito ay ilalaan sa Department of Education (DepEd), State Universities and Colleges (SUCs), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang kaukulang ahensya.

Ayon kay ACT-Teachers Party-list Rep. France Castro, kung magiging ganap na batas ang panukala ay binibigyan ng ‘highest budgetary priority’ ang sektor ng edukasyon.


Aniya, sa mahabang panahon, ang public expenditure sa edukasyon mula sa porsyento ng GDP ay mas mababa pa kumpara sa itinatakdang limit ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) na ‘at least’ 6% ng GDP.

Punto pa ng kongresista, kung talagang nais ng pamahalaan na matugunan ang krisis sa edukasyon at maitaas ang ‘quality education’ ay dapat lamang na tiyakin na mayroong sapat na pondo para dito.

Facebook Comments