Sumampa na sa 6 ang nasawi sa baha at landslide bunsod ng ilang araw na pag-ulan sa Davao Region.
Ayon sa Municipal Disaster Officer na si Romeo Tublag, tatlo ang namatay dahil sa landslide sa Maragusan, Davao de Oro.
Tatlo rin ang napaulat na nasawi sa bayan ng New Bataan ––– lalaking natabunan ng gumuhong lupa; babaeng inanod ng baha at lalaking nakuryente sa labas ng binaha niyang bahay.
Isa naman ang nawawala sa bayan ng pantukan.
Missing pa rin ang magkapatid na pinaniniwalaang natabunan ng lupa sa Sitio Panlaisan sa Barangay Pichon, Caraga, Davao Oriental.
Samantala, lubog pa rin sa baha ang malaking bahagi ng rehiyon.
Sa Davao City ––– patuloy ang pag-apaw ng Davao River kahapon kaya marami ring motorista ang na-stranded.
Umapela na rin ng tulong ang Davao City Hall sa Philippine Air Force para sa paghahatid ng tulong sa mga residenteng na-isolate dahil sa mga baha at landslide.
Sa inisyal na datos mula sa Office of Civil Defense Region 11, umabot na sa 72,000 na pamilya ang apektado ng masamang panahon.