Pinigil ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang 6 na Pilipino na nagpanggap na pilgrims at tutungo sana sa Jordan.
Ang 6 ay sasakay sana ng Philippine Airlines flight patungong Amman, Jordan.
Nabigo silang magpakita ng itinerary at natuklasan din ng Immigration officer na hindi sila magkakakilala.
Dalawa rin sa kanila ang dati nang naharang sa airport noong Setyembre dahil sa paiba-ibang sagot sa pagtatanong ng Immigration agent at nabigong makapagpakita ng mga dokumento.
Kasama sana nila ang 14 pang pasahero na nagpakilala rin na mga pilgrims pero hindi na bumalik ng Pilipinas at pinaniniwalaang nagtatrabaho na doon.
Inamin din ng mga pasahero na isang lalaking pastor ang nag-ayos ng kanilang biyahe at nagbayad daw sila rito ng P75,000 to P150,000 kada isa.
Iniimbestigahan na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at National Bureau of Investigation (NBI) ang naturang modus.