
Nasa tatlo sa bawat 10 na Pilipino lamang ang naniniwalang totoong nakikinig at pinahahalagahan ng mga mambabatas at lokal na opisyal ang kanilang mga pananaw.
Ito ang lumabas sa Tugon ng Masa Survey ng OCTA Research kung saan 31% ang nagsabing pinahahalagahan sila ng mga halal na opisyal.
Mayorya naman o mahigit 61% ang nagsabing hindi, at 9% ang hindi sumagot o undecided.
Batay sa survey, tinanong ang respondents kung sa palagay nila ay pinahahalagahan ng mga ibonotong opisyal ang mga iniisip nila.
Ayon sa OCTA, nagpapakita ito ng malaking agwat sa pagitan ng mga opisyal at mga ordinaryong mamamayan.
Maaari anilang hindi nararamdaman ng publiko ang mga ginagawa ng kongreso lalo na sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
Samantala, mayorya naman o 55% ng respondents ang nagsabing may tiwala pa rin sila sa National Government sa pagtugon sa mga problema ng bansa.
Habang 20% sa mga tinanong ang walang tiwala at 25% ang undecided.
Sabi ng OCTA, hamon ito lalo’t hindi lamang ang kumpiyansa ng publiko at epektibong pamamahala ang kailangan ng mga opisyal kundi ang makita rin ng taumbayan na pinakikinggan at pinahahalagahan sila ng mga nakaupo sa pwesto.
Isinagawa ang survey nationwide noong December 3-11 ng nakaraang taon sa 1,200 adult respondents sa pamamagitan ng face-to-face interviews.










