
Pansamantalang isinara sa trapiko ang magkabilang linya ng National Road sa Sitio Pideg, Barangay Magsaysay, Santa, Ilocos Sur matapos masiraan ng makina ang isang 6-wheeler wing van bandang alas-2:30 ng madaling araw, kanina.
Ayon sa mga awtoridad, nakatanggap ng ulat ang mga responder hinggil sa insidente at agad inaksyunan. Dahil sa posisyon ng sasakyan at mga alalahanin sa kaligtasan habang isinasagawa ang recovery operations, isinara ang apektadong bahagi ng kalsada dakong alas-4:15 ng madaling araw upang maiwasan ang posibleng aksidente.
Isinagawa kaagad ang road clearing operations sa kabila ng limitadong visibility sa mga oras na iyon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at ang maayos na pag-alis ng nasirang sasakyan.
Sa tulong at koordinasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Ilocos Sur, PGIS GSO, Bureau of Fire Protection (BFP) Region One – Santa, at Santa Municipal Police Station ng Ilocos Sur Police Provincial Office, matagumpay na nalinis ang kalsada.
Muling binuksan sa trapiko ang nasabing bahagi ng National Road bandang alas-7:00 ng umaga. Wala namang naitalang karagdagang panganib o insidente matapos ang clearing operations.
Humingi ng paumanhin ang mga kinauukulan sa abalang idinulot ng pansamantalang pagsasara ng kalsada at nagpasalamat sa pang-unawa at kooperasyon ng mga motorista at ng publiko.










