
Cauayan City – Aprubado na sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na nagpapahaba ng termino ng mga Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials mula tatlong taon hanggang anim na taon.
Sa botohan na isinagawa sa plenaryo noong Lunes, Enero 27, 2025, nakapasa ang House Bill 11287 na isinusulong ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Kasama sa panukala ang paglipat ng susunod na schedule ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa ikalawang Lunes ng buwan ng Mayo sa taong 2029.
Kapag ganap na naaprubahan ang anim na taong termino, lilimitahan ang mga halal na Barangay officials sa dalawang termino, habang isang termino naman para sa mga elected SK officials.
Samakatuwid, ang mga kasalukuyang opisyal ng Barangay at SK na naihalal sa nakaraang BSKE ay mananatili sa kanilang mga posisyon hanggang Mayo 2029, maliban na lamang kung masuspinde o matanggal sa tungkulin dahil sa pagkakasangkot sa anumang isyu o krimen.