Ipinagkakaloob ngayon ng Land Bank of the Philippines ang dalawang buwang grace period sa pagbabayad ng loan at credit card para matulungan ang kanilang mga kliyente na maibsan ang epekto ng COVID-19 pandemic.
Ang LANDBANK ay magbibigay ng one-time 60-day moratorium para sa lahat ng existing, current at outstanding loans na kailangang bayaran muma September 15 hanggang December 31, 2020 na walang ipapataw na interest, penalties, fees o iba pang charges.
Ang hakbang na ito ay pagsuporta sa pagpapatupad ng Republic Act 11494 o Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2.
Ayon kay LANDBANK President and CEO Cecilia Borromeo, ang loan relief ay makapagbibigay ng suporta sa mga kliyente ngayong panahon ng krisis.
Nais aniya nilang gawing magaan ang financial concerns ng kanilang mga kliyente habang patuloy na kinahaharap ang mga hamon ng pandemya.
Ang mga credit card transactions na ginawa bago ang September 15 ay sakop ng moratorium.
Para sa credit card payments, anumang hindi nabayarang balance mula sa transactions ay hindi papatawan ng interest o finance charges sa loob ng mandatory grace period.
Pagkatapos ng applicable grace period, ang unpaid balace ay papatawan na ng interest kung hindi mababayaran sa bagong due date.
Awtomatikong ipapatupad ng LANDBANK ang 60-day grace period kung saan hindi na kailangan ng mga borrowers at credit card holders na mag-apply o request para sa relief measure.
Pero ang mga LANDBANK credit card holders na may Automatic Debit Arrangements (ADA) ay kailangang abisuhan ang bangko na nais nilang i-avail ang grace period.
Ang grace period ay mag-uumpisa mula sa payment due date ng loans, mayroong principal at/o interest, kabilang ang amortizations, mula September 15 hanggang December 31, 2020.
Ang mga credit card transactions na ginawa mismo at pagkatapos ng September 15 ay hindi na sakop ng Bayanihan 2 at patuloy na papatawan ng interest o finance charges kapag hindi nabayaran bago o sa mismong araw ng original due date.
Samantala, ang fund transfer fees ay nananatiling naka-waive para sa Instapay at PESONet transactions hanggang December 31, 2020.