Aabot sa 6,000 Overseas Filipino Workers (OFW) na naghihintay para sa kanilang COVID-19 test results ang naka-isolate sa hotel quarantine facilities sa Metro Manila.
Ang mga OFW ay stranded dahil sa matagal na paglalabas ng resulta ng kanilang COVID-19 test matapos ihinto ng Philippine Red Cross (PRC) ang kanilang operasyon dahil sa hindi nababayarang utang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac, nasa 17 government laboratories ang nagpoproseso ng test results.
Inaabot ng tatlo hanggang pitong araw ang pagpoproseso nito.
Dagdag pa ni Cacdac, ang mga naka-quarantine na OFWs ay hindi lumagpas sa kapasidad ng quarantined facilities.
“So far kakayanin, kakayanin natin dahil tatandaan natin nung bandang Mayo kinaya naman nung 12,000 hanggang 15,000. Kaya sa ngayon kung pinag-uusapan natin ay 6,000 hanggang 7,000 ay kakayanin ito, kakayanin ito ng ating hotel quarantine facilities in coordination with the Department of Tourism,” ani Cacdac.
Nasa 5,700 specimens ang naproseso ng mga laboratoryo ng pamahalaan sa nagdaang dalawang araw.
Gayumpaman, kumpiyansa ang OWWA na matatapos at makukumpleto ang backlog sa testing.