6,000 tourist police, ipapakalat ng PNP simula sa Huwebes

Simula ngayong Huwebes magpapakalat na ang Philippine National Police (PNP) ng 6,000 tourist-oriented na mga pulis.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, ito’y dahil sa inaasahan ng PNP ang mas malaking bilang ng mga tao sa mga pasyalan at pamilihan ngayong nalalapit na ang Pasko.

Ani Fajardo ang mga ito ay magsisilbing police visibility para maramdaman ng mamamayan na ligtas ang kapaligiran at kung saka-sakaling may untoward incident ay dito sila lalapit.


Mayroon din aniyang itinatag na mga police assistance desks sa iba’t ibang mga transportation hubs at pangunahing daan, kasabay ng dagdag na deployment ng mga pulis sa mga mall, palengke at mga tiangge.

Matatandaang una na ring inihayag ng PNP na 85 porsyento ng kanilang pwersa ang gagamitin sa seguridad ngayong Christmas season kaya kanselado ang lahat ng leave ng mga pulis epektibo sa Disyembre a-15 hanggang Enero a-10 ng susunod na taon.

Facebook Comments