Hindi bababa sa 60,000 sako ng suspected hoarded sugar ang nadiskubre ng mga awtoridad mula sa apat na bodega sa Guiguinto, Bulacan.
Ayon sa Office of the Press Secretary (OPS), hapon ng Sabado nang mag-inspeksyon ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa apat na bodega sa T12 Polo Land sa Barangay Tabang kung saan natagpuan ang mga imported na asukal mula Thailand.
Dalawa sa mga bodega ang halos kalahati pa ang nakaimbak na asukal habang isa sa mga bodega ang maayos pang nakasalansan ang mga sako ng asukal hanggang sa bubungan.
Ayon sa caretaker, Biyernes nang gabi nang i-deliver sa bodega ang mga asukal mula sa Manila International Container Terminal (MICT).
Ang mga nadiskubreng asukal ay ginamitan ng import permit mula sa Sugar Order No.3 na inilabas ng Sugar Regulatory Board noong Pebrero.
Inaalam na ng BOC kung authentic o hindi peke ang importation documents na ipinakita ng warehouse caretaker.