Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may 600,000 na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries ang sumasailalim sa validation.
Sa panayam ng RMN Manila kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, sinabi nito na ang nasabing bilang ay ang mga noncompliance o mga hindi sumusunod sa mga kondisyon ng 4Ps tulad ng hindi pagpapa-check-up at hindi pagpapapasok sa paaralan sa mga bata at hindi pag-attend sa family development session.
Dagdag pa ni Lopez, kasama rin sa bilang ang 4Ps beneficiaries na ayaw kausapin ang mga social worker dahil akala nila tatanggalin na sila ng DSWD.
Paliwanag ni Lopez, batay rin sa kasunduan na kada tatlong taon ay kailangan sinusuri ang mga benepisyaryo upang matiyak kung may improvement sa kanilang pamumuhay.
Aniya, layunin ng kanilang ahensya na makatulong sa pamahalaan na maibaba ang bilang ng mga mahihirap na Pilipino sa bansa.
Kaugnay nito, nanawagan si Lopez sa 4Ps beneficiaries na makipagtulungan sa kanila dahil posibleng matanggal sila kapag hindi nakipag-cooperate.
Sinabi rin ni Lopez na bibigyan pa rin naman ng pagkakataon ang noncompliance 4Ps beneficiaries upang magpaliwanag.
Pero, aniya suspendido ang pagbibigay ng ayuda sa kanila habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Samantala, inihayag din ni Lopez na mayroong 40,000 4Ps beneficiaries ang kusang nagpatanggal sa listahan.
Una na ring kinumpirma ng DSWD na nagsasagawa sila ng validation sa 1.3 million beneficiaries na itinuturing nang “non poor” at hindi na kwalipikado para makatanggap ng cash assistance sa gobyerno sa ilalim ng 4Ps.