Cauayan City, Isabela- Tinatayang aabot sa mahigit kumulang P600,000.00 halaga ng produktong petrolyo ang nakumpiska ng mga operatiba ng pinagsanib-pwersa ng Criminal Investigation and Detective Group Regional Field Unit 2 (CIDG RFU2) at Police Regional Office 2 mula sa tatlong (3) hindi otorisadong distributor nito sa Tuguegarao City.
Isinilbi ang search warrant sa tatlong suspek na kinilalang sina Plaridel Carillo Fronda, may-ari ng Del Grande Enterprises; Arturo Que (at-large), owner-proprietor ng Cagayan Gas Corporation at Nelson Vallejo (at-large), owner-proprietor naman ng AB Blue Flame LPG Store.
Sa isinagawang search warrant ng mga operatiba, nakumpiska ang kabuuang 215 tangke ng assorted Petron LPG Gasul at Fiesta Gas na nagkakahalaga ng Php397,800.00.
Narekober naman mula kina Que at Vallejo ang 107 tangke ng assorted Petron LPG Gasul at Fiesta Gas na nagkakahalaga ng Php210,000.
Ang ginawang pagsalakay ng mga otoridad ay dahil sa sumbong ng isang lehitimong distributor ng produktong petrolyo na ang mga suspek ay sangkot sa iligal na pagbebenta ng mga nasabing produkto dahil wala silang mga kaukulang dokumento mula sa isang kilalang kumpanya.
Nasa kustodiya na ng CIDG Cagayan PFU2 ang nahuling suspek na si Fronda maging ang mga nakumpiskang ebidensya habang ang dalawang at-large na suspek ay pinaghahanap na ng mga otoridad para sa kanilang agarang ikadarakip.
Inihahanda na ang kaukulang kaso (BP 33 as amended by PD 1865 and RA 5700) na isasampa laban sa mga suspek.