Cauayan City, Isabela-Nakapagtala na naman ng karagdagang animnapu’t isang (61) kaso ng COVID-19 Delta variant ang rehiyon dos batay sa ika-41 na Bio surveillance Report ng DOH Central Office, UP-PGC at UP-NIH.
Lumabas sa datos ng DOH, nanguna pa rin ang lalawigan ng Isabela na may mataas na bilang ng tinamaan ng COVID variant kung saan umabot ito ng 25.
Naitala ang tig-dalawang kaso sa mga bayan ng Benito Soliven, Echague, Luna at San Mariano habang tig-iisa naman sa mga bayan ng Aurora, Cabagan, Cabatuan, Cordon, Delfin Albano, Jones, Mallig, Ramon, San Agustin, San Isidro, San Manuel, San Mateo, Santo Tomas, Tumauini at mga siyudad ng Cauayan, Ilagan at Santiago City.
Bukod dito, nakapagtala naman ng labing pitong (17) kaso ang Cagayan kabilang ang dalawang naitala ng bayan ng Camalaniugan at tig-iisa naman sa Abulug, Alcala, Amulung, Baggao, Ballesteros, Enrile, Gonzaga, Iguig, Lal-lo, Lasam, Sanchez-Mira, Sta. Ana, Solana, Tuao at Tuguegarao.
Nakapagtala naman ng tig-apat na kaso ang lalawigan ng Batanes at Quirino habang labing-isa naman sa Nueva Vizcaya.
Ang mga naitalang kaso ng Delta variant ay nakarekober na sa sakit maliban sa naitalang nasawi sa bayan ng Gonzaga at Solana, Cagayan.
Patuloy naman ang ginagawang case investigation at contact tracing ng RESU sa pamamagitan ng Special Action Team (SAT) gayundin ang kanilang ugnayan sa mga apektadong LGU para agapan ang pagkalat ng naturang variant of concern.