Cauayan City, Isabela- Hindi nakalusot sa nakalatag na checkpoint ang nasa kabuuang 61 katao na pawang mga trabahador matapos lumabag sa ipinapatupad na social distancing pasado 4:00 ng hapon kahapon sa pambansang lansangan ng Brgy. District 3, Tumauini, Isabela.
Ayon kay PMAJ. Rolando Gatan, hepe ng PNP Tumauini, galling sa Bayan ng Delfin Albano ang nasabing bilang ng mga trabahador ng sitahin ito ng mga pulis dahil sa paglabag sa ilalim ng General Community Quarantine.
Aniya, mistulang dikit-dikit ang mga trabahador ng sitahin ang mga ito lulan ng isang mini elf truck.
Batay sa pakikipag-usap ng pulisya, walang masakyan pauwi ang mga trabahador kaya’t nagdesisyon ang mga ito makisakay nalang sa nasabing truck .
Bilang parusa, isinailalim sa community service ang bilang ng mga trabahador at bilang konsiderasyon nalang din at hindi na ikinulong pa.
Samantala, pinapayagan rin ang angkas sa motorsiklo ng mag-asawa subalit kinakailangan lamang na ang paglabas ay may kinalaman sa pangangailangan ng bawat pamilya.
Patuloy naman na maghihigpit ang pulisya at tanging pakiusap lang din sa publiko na sumunod sa ipinapatupad na batas.