Manila, Philippines – Ikinabahala nina Senators Nancy Binay at Risa Hontiveros ang 61 recovery flights sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA ng walang koordinasyon sa mga opisyal ng paliparan.
Nangyari ito ilang oras matapos sumadsad sa runway ng NAIA ang Xiamen Aircraft noong nakaraang Huwebes ng gabi.
Kaduda-duda at maanomalya para kay Senator Binay na makalusot ang ganun karaming hindi otorisadong biyahe ng eroplano.
Diin ni Senator Binay, ang nabanggit na uncoordinated flights ay nagpapakita ng kahinaan at pagkukulang sa mga protocols na ipinapatupad ng Department of Transportation o DOTr at kinauukulang ahensya sa ating mga paliparan.
Giit naman ni Senator Hontiveros, hindi katanggap-tanggap na nagmistulang colorum na terminal ng jeep at tricycle ang ating paliparan.
Ayon kay Hontiveros, isa itong malaking banta sa seguridad at kaligtasan ng mga pasahero.
Sa gagawing pagdinig ng Senado ay bubusiing mabuti ni Hontiveros ang kawalan ng koordinasyon sa pagitan ng airline companies, Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Manila International Airport Authority (MIAA) kaya nakalusot ang hindi otorisadong biyahe ng mga eroplano.