
Sa monitoring ng Philippine Navy, kabuuang 62 barko ng China ang namataan sa apat na maritime features sa West Philippine Sea nitong buwan ng Pebrero.
Sa Bajo de Masinloc, may namataang 11 barko ng People’s Liberation Army Navy (PLA Navy) at 12 barko ng China Coast Guard (CCG).
Samantala, sa Ayungin Shoal ay naitala ang dalawang PLA Navy at 15 CCG vessels, habang sa Escoda Shoal ay anim na PLA Navy at pitong CCG vessels ang namataan.
Sa Pag-asa Island naman ay may limang PLA Navy at apat na CCG vessels na namataan.
Kaugnay nito, sa ulat mula Pebrero 22 hanggang March 1 ay naitala ang 34 barko ng China sa West Philippine Sea.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ang mga nasabing bilang ay nagpapakita ng ilegal na presensya ng mga barko ng China sa karagatan ng bansa.
Tiniyak naman ng Hukbong Sandatahan na patuloy ang pagbabantay nito sa pambansang teritoryo at soberanya ng bansa, alinsunod sa international law at sa layuning mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.










