63-ANYOS NA GASOLINE VENDOR, NASAWI SA PAMAMARIL SA SUAL

Isang 63 taong gulang na lalaki ang nasawi matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek madaling-araw ng December 22, 2025 bandang alas-4:45 ng umaga sa Teachers Village, Brgy. Paitan West, Sual, Pangasinan.

Ang biktima ay isang gasoline vendor at residente ng nasabing barangay.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Sual Police Station, pauwi na ang biktima habang minamaneho ang kanyang itim na tricycle o garong nang lapitan siya ng isang lalaki at bigla na lamang pagbabarilin nang ilang beses.

Matapos ang insidente, agad na tumakas ang suspek.

Nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at agad na isinugod sa ospital. Gayunman, idineklara siyang dead on arrival.

Agad rumesponde ang mga tauhan ng Sual Police Station sa pinangyarihan ng krimen at nagsagawa ng paunang imbestigasyon.

Patuloy ang isinasagawang follow-up investigation, kabilang ang pagsusuri ng mga CCTV footage sa lugar.

Nakatakda ring magsagawa ang kapulisan ng dragnet operation at magtatag ng mga checkpoint at chokepoint sa mga kalapit na lugar upang mapabilis ang posibleng pagkakaaresto sa suspek.

Patuloy ang panawagan ng pulisya sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyong makatutulong sa ikalulutas ng kaso. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments