63-Anyos na Lolo sa Cagayan, Patay Matapos Malunod

Cauayan City, Isabela- Nakalutang na sa ilog ang katawan ng isang lolo na pinaniniwalaang nalunod sa ilog Cagayan na sakop ng Barangay San Isidro, Iguig, Cagayan.

Nakilala ang biktima na si Apolonio Abelong, 63 anyos, may asawa, magsasaka at residente ng nabanggit na barangay.

Una rito, inutusan ng tatay ang 14 taong gulang na anak na si Gilbert Quilang upang kunin at iuwi ang kanilang alagang kalabaw at ng makarating malapit sa ilog ang batang lalaki ay mayroon itong nakita na hinihinalang katawan ng tao na nakalutang sa ilog.


Nilapitan umano ni Gilbert ang nakita nito hanggang sa makilala na ito ang kanyang tiyuhin at wala na rin itong buhay.

Agad na bumalik sa kanilang bahay si Gilbert at sinabi ang kanyang nasaksihan na nalunod ang kanyang tito.

Ayon naman sa asawa ng biktima na si Mercedes Abelong, nagtungo aniya ang kanyang mister sa ilog upang mamingwit ng isda at kunin ang kanilang alagang kalabaw ngunit kalauna’y nalaman na lamang mula sa kapitbahay ang sinapit ng kanyang asawa.

Ibinunyag din ng Ginang na mayroong sakit na epilepsy ang biktima.

Naniniwala naman ang naiwang pamilya ng biktima na walang nangyaring ‘foul play’ sa nangyaring insidente.

Facebook Comments