Opisyal nang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang 63 mga barangay ng North Cotabato.
Kahapon nang isagawa ang turn-over ceremony kung saan pormal na tinanggap ng mga opisyales ng BARMM sa pangunguna ni Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim mula kay North Cotabato acting Governor Emmylou Mendoza ang mga responsibilidad sa 63 barangay na nagpahayag ng kanilang pagnanais na maging bahagi ng Bangsamoro region sa isinagawang plebisito noong February 26, 2019.
Ang 63 mga baranggay ay mula sa mga bayan ng Aleosan, Carmen, Kabacan, Midsayap, Pikit at Pigcawayan.
Ayon kay Interior and Local Government Minister Naguib Sinarimbo, ang 63 mga barangay ay bubuo sa special geographic area kung saan pamamahalaan ito ng isang tagapangasiwa at patuloy na makakatanggap ng Internal Revenue Allotment (IRA).
Ang paglilipat ng naturang mga barangay ng North Cotabato sa BARMM ay hindi paghihiway sa probinsya subalit ito’y panunumbalik sa dating Cotabato empire.
Kaugnay nito mainit na tinanggap ni Bangsamoro Region Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim ang mga barangay Chairpersons at local chief executives na sumasakop sa 63 mga barangay ng North Cotabato na ngayon ay opisyal nang bahagi ng Bangsamoro
Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa isinagawang turn-over ceremony kahapon.
Pinasalamatan ni CM Ebrahim ang mga ito sa kanilang suporta at tiwala.
Sa kanyang acceptance speech, tiniyak nito na gagawin ng Bangsamoro government ang lahat upang hindi mapabayaan ang mga constituent at maipakita sa mga ito ang “Serbisyong Totoo” na kanilang tinamasa mula sa pamahalaang panlalawigan ng North Cotabato at ngayon ay sasamahan pa ng “Moral Governance”.