Sto. Tomas, Isabela – Nakapagtapos na ng kanilang Community-Base Rehabilitation Program (CBRP) ang kabuuang 63 drug identified sa bayan ng Sto. Tomas, Isabela.
Ayon kay Police Inspector William Cuntapay, ang Deputy COP ng PNP Sto. Tomas, 65 umano ang DI sa unang batch na sumailalim sa CBRP ngunit 63 lamang ang nakapagtapos dahil sa nagkasakit at nasawi ang dalawang DI.
Aniya, kasalukuyang sumasailalim sa ngayon ang tatlong DI na nasa second batch ng CBRP sa pamamagitan naman ng tulong ng LGU kung saan ay nasa barangay San Roque umano ang mga ito para sa kanilang pagsasanay na gumawa ng kubo-kubo na gawa sa kawayan.
Kaugnay pa nito ay naging maganda naman umano ang ugnayan ng kapulisan sa Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) sa Sto Tomas kung saan ang buong 27 barangays ay organisado hinggil sa kampanya ng iligal na droga.
Sa katunayan ay 13 lamang umano ang affected barangay at apat na dito ang naideklarang cleared barangay at siyam naman ang naindorso na sa PDEA at ilang komite para maging cleared barangay.
Iginiit pa ni Police Inspector Cuntapay na patuloy ang monitoring sa 13 barangay sa tulong ng mga opisyal ng barangay at katuwang din ang Barangay Information Network (BIN).
Samantala, nagsasagawa rin umano ng information education ang pamunuan ng PNP Sto Tomas hinggil sa masamang epekto ng droga sa mga paaralan ng elementarya, sekondarya at sa mga barangay bilang bahagi parin ng kanilang kampanya na kontra sa droga.