Mayorya sa mga Pilipino ay suportado ang pagsasawalang-bisa ng Republic Act No. 11203 o Rice Tarrification Law (RTL).
Ito ay batay sa inilabas na pinakabagong survey ng PUBLiCUS Asia na may 1,500 respondents.
Kung saan, 63% sa mga ito ang nagsabing payag o sang-ayon sa pagpapawalang-bisa sa Rice Tariffication Law.
Habang 8% naman ang sumagot na hindi sang-ayon sa pagpapawalang-bisa sa naturang batas.
29% naman sa mga respondents ang nagsabing neutral sila hinggil sa isyu.
Isinagawa ang nasabing survey mula June 16 hanggang 22 ng kasalukuyang taon kung saan nagpahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na pansamantalang uupo muna siya bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Sa ngayon, wala pang direktang pahayag si Marcos Jr., tungkol sa panukalang pagpapawalang-bisa ng RTL mula nang manumpa ito bilang pangulo.
Matatandaang, pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Rice Tariffication Law noong 2019 na naglalayong pababain ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng pag-aalis ng quantitative restrictions sa pag-import ng bigas kapalit ng pagbabayad ng mga importer ng taripa kung saan ang kikitain mula rito ay gagamitin para sa kapakinabangan ng mga local farmers sa bansa.
Samantala, ayon naman sa prediksyon ng resident economist ng PUBLiCUS Asia kung mawawalang-bisa ang Rice Tarrification Law at babalik ang mga paghihigpit sa importasyon ay magreresulta ito sa mas mataas na presyo ng bigas sa merkado.