Aabot sa 632 kasong negligence na nakatakda sa Article 217 ng Revised Penal Code hinggil sa maanomalyang pagpapalabas ng higit 14.8 bilyong pisong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), ang kakaharapin ni Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III ayon kay Senate President Vicente Sotto III.
Ayon kay Sotto, hindi puwedeng gamiting excuse ni Duque na wala itong pinirmahang dokumento o sangkot sa pagpapalabas ng pondo bilang chairman ng PhilHealth board, dahil wala naman siyang kapangyarihang bomoto.
Giit pa ni Sotto, batid ni Duque ang galaw ng PhilHealth dahil siya ang presiding officer kaya’t mali ang katuwiran na wala siyang kasong kapabayaan.
Samantala, sinabi pa ni Sotto na kanyang inaasahan, na walang maaalis na probisyon sa committee report ng Senate Committee of the Whole, na nagrekomenda sa pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo kina Duque, Morales at ilan pang opisyal at empleyado ng PhilHealth na sangkot sa anomalya.
Inaasahan niya na pagtitibayin ang Senado sa plenaryo ang kanyang committee report na walang bawas kundi may mga idinagdag na probisyon para lalong tumibay at luminis ang PhilHealth.