650,000 pamilya sa Maynila, makatatanggap ng Noche Buena food items mula ngayong araw —LGU

Aarangkada na ngayong araw ang pamamahagi ng daan-daang libong Noche Buena food items sa mga mahihirap na pamilya sa Lungsod ng Maynila.

Ngayong Linggo, unang araw ng Disyembre, sisimulan ang 12 araw na pagbibigay ng 650,000 Christmas boxes sa Maynila.

Pagsapit naman ng December 13 at 14, ang mga senior citizen sa lungsod ang makatatanggap ng Christmas boxes.


Aabot sa 176,000 na mga lolo’t lola ang makatatanggap ng pamaskong handog mula sa LGU.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, layon nitong may mapagsaluhan kahit paano ang mga residente para sa Noche Buena.

Samantala, nitong Biyernes ng gabi nang ganapin ang Christmas Tree lighting sa Kartilya ng Katipunan plaza sa tabi ng Manila City Hall.

Ayon sa alkalde, paraan ito na maipakita sa mga Manileño ang diwa ng Kapaskuhan sa kabila ng mga nagdaang kalamidad gaya ng mga serye ng sunog at mga pagbaha na dala naman ng mga tumamang bagyo.

Facebook Comments