651 na karagdagang kaso ng Delta variant, naitala ng DOH

Naitala ngayon ng Department of Health (DOH) ang karagdagang 651 na kaso ng Delta variant mula sa 748 na samples na kanilang nasuri.

Ito’y mula sa buwan ng Marso, Abril, Hunyo, Setyembre at Oktubre.

Kaugnay nito, naitala rin ang lokal na kaso ng B.1.617.1 variant na dating Kappa variant.


Ang nasabing lokal na kaso ng variant at kasalukuyang itinuturing ng World Health Organization (WHO) na variant under monitoring mula sa pagiging variant of interest.

Bukod dito, naitala rin ng DOH ang isang kaso ng B.1.1.318 variant na itinuturing din na variant under monitoring.

Nasa 22 karagdagang kaso naman ng Alpha at 15 kaso ng Beta variant ang naitala rin ng DOH habang nasa 1,171 ang naitala mula sa Returning Overseas Filipinos (ROFs).

Sa isyu naman ng paglalabas ng mga executive order ng lokal na pamahalaan hinggil sa pagbawi ng mandatoryong pagsusuot ng face shield, nanawagan si Health Usec. Ma. Rosario Vergeire na kung maaari ay i-hold muna ito at hintayin ang Inter-Agency Task Force (IATF) na maglabas ng desisyon.

Sa Huwebes magbibigay ng rekomendasyon ang DOH sa IATF kaugnay sa isyu.

Facebook Comments