Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang casualties o nasawi at nawawala sa nangyaring paglubog ng pampasaherong bangka sa karagatan ng Barangay Macnit, Polillo, Quezon, kaninang ala-una ng hapon.
Ayon sa PCG, lahat ng 67 sakay ng Jovelle Express 3, kung saan kabilang ang 60 pasahero at pitong crew na may 15 kahon ng assorted na isda ay ligtas na.
Nabatid na bandang alas-10 ng umaga kanina ay umalis ang naturang bangka sa Patnanungan Port patungo ng Real, Quezon.
Sa impormasyon ng Coast Guard Station Northern Quezon, sapat ang life vest na ipinasuot sa mga pasahero bago ito umalis sa port at maganda rin ang lagay ng panahon.
Habang naglalayag, nasira umano ang unahang bahagi ng bangka matapos tamaan ng matigas na bagay, na naging sanhi ng pagpasok ng tubig sa bangka.
Agad namang rumesponde ang Deployable Response Group ng PCG sakay ng Motorbanca “Leonor Dos” at nakipag-ugnayan sa motorbanca “AdaJay” na nagbibigay ng tulong sa Jovelle Express 3.
Sa kasalukuyan, ang mga nailigtas na pasahero ay naihatid na sa barangay hall of Barangay Macnit, Polillo para sa assessment.
Nakatakda na ring ihatid ng Coast Guard ang mga tripulante at pasahero sa mga destinasyon nito.