Umaabot sa 674 police bodyguards ang ni-recall ng Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng preparasyon sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Ayon kay PNP Spokesperson at PRO3 RD Police Brigadier General Jean Fajardo, base sa datos na ibinigay ng Police Security and Protection Group nitong January 12, nasa 674 protective security personnel na ang binawi.
Dahil dito, 197 kandidato ang nawalan protective personnel kabilang ang tumatakbo sa pagka-gobernador, alkalde, konsehal at iba pa.
445 na protective personnel din na responsable sa pagbabantay ng mga opisyal ng gobyerno at 228 sa mga pribadong indibidwal ang binawi ng Pambansang Pulisya.
Paliwanag ni Fajardo, maaari namang makahirit ng police escort ang sinumang may banta sa kanilang buhay.
Kinakailangan lamang nilang magsumite ng request sa COMELEC at kapag naaprubahan ay maaari silang bigyan ng hanggang dalawang security detail.
Dagdag pa ni Fajardo, hindi maaaring ipasawalang bahala ng Pambansang Pulisya ang anumang banta sa buhay ng sinumang indibidwal.