LAGOS, Nigeria – Sa kabila ng edad ay nagsilang ng kambal na sanggol ang isang 68-anyos na ginang, isang babae at isang lalaki.
Ayon sa ulat, tatlong beses na umanong nabigo si Margaret Adenuga sa In Vitro Fertilization (IVF) bago tuluyang makabuo ng kambal.
Kwento ng kanyang asawang si Noah Adenuga, 77, matagal na raw nilang dalangin na magkaroon ng sariling anak at sa kabila umano ng ilang beses na palpak na pagsusumikap na magkaroon ng supling ay di sila sumuko.
Nakaraang Martes lang nang manganak via caesarian section ang ginang matapos ang 37 linggo sa Lagos University Teaching Hospital (LUTH).
Batay sa pahayag ng ospital, kinakailangan umanong bigyan ng sapat na oras para magpagaling ang first-time nanay.
Isinalaysay naman ni Dr. Adeyemi Okunowo, ang nagpaanak kay Margaret, bumuo umano sila ng specialist team para masubaybayan ang pagdadalanto ng ginang dahil sa kanyang edad.
Delikado raw kasi ang naturang pagbubuntis lalo pa’t kambal umano ang dinadala ng nito.
Kaugnay nito, hindi naman ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapagsilang ang ginang sa kabila ng matandang edad.
Nakaraang taon nang magsilang ng kambal ang 73-anyos na nanay mula India matapos sumailalim sa IVF at naitala bilang pinakamatandang babaeng nakapagsilang ng kambal.
Dagdag ni Okunowo, maaari pa rin daw sumailalim sa IVF ang mga matatandang babae ngunit mas magiging delikado at mahirap umano ito dahil sa kanilang edad.
Maaari raw kasing magkaroon ng komplikasyon ang magiging pagbubuntis ng mga ito na pwedeng makaapekto sa dinadalang sanggol.