68 BARANGAY SA PANGASINAN, HINDI PA RIN DRUG-CLEARED — PDEA

Malinis na sa ilegal na droga ang halos lahat ng barangay sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Pangasinan, umaabot na sa 94.6 porsiyento ng mga barangay ang idineklarang drug-cleared.

Gayunman, sa kabuuang 1,364 barangay, 68 pa ang nananatiling apektado ng ilegal na droga.

Kinumpirma ito ni Dexter Asayco, ang Provincial Director ng PDEA sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, kamakailan.

Paliwanag niya, patuloy pa ring mino-monitor ang mga natitirang barangay dahil may mga naitatalang drug personalities at kinakailangan pa ng Balay Silangan reformation program bago tuluyang ideklarang malinis ang isang lugar.

Dagdag pa ni Asayco, nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan para sa pagtatayo ng Balay Silangan, pero aminado siyang hamon pa rin ang kakulangan sa pondo.

Sa kabila nito, iginiit ng PDEA na epektibo ang operasyon ng kanilang task force kasama ang pulisya, coast guard, at iba pang ahensya, kaya napipigilan ang tangkang gawing bagsakan ng droga ang lalawigan.

Matatandaang noong Oktubre 2025, nasabat ang halos 895 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit 6 na bilyong piso sa bayan ng Labrador.

Kaugnay ito ng naunang buy-bust operation sa Bugallon kung saan mahigit 125 kilo ng shabu naman ang nakumpiska. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments