Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole na pinamumunuan ni Senate President Tito Sotto III ay inihayag ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na aabot sa 68-milyong doses ng COVID-19 vaccine ang maibibigay nang libre sa Pilipinas.
Dahil dito ay sinabi ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, na lumilitaw na 48-million doses ng bakuna na lang ang kailangang bilhin ng pamahalaan para makamit ang herd immunity habang 99.6 million doses ng bakuna ang kailangang bilhin para makamit mabakunahan ang target population.
Sa Senate hearing ay sinabi naman ni Finance Secretary Carlos Dominguez na sapat na ang ₱88.56-billion na pondo pambili ng COVID-19 vaccine ngayong taon.
Ayon kay Dominguez, sa nabanggit na pondo ay makakabili ang bansa ng 148 doses ng bakuna para sa 70 milyong mga Pilipino kung saan hindi kasama ang mga bata o menor de edad.
Tiniyak naman ni Dominguez na transparent ang paggastos para sa bakuna laban sa COVID-19.
Binanggit din ni Dominguez na ang inuutang ng gobyerno ay direktang ibinibigay ng bangko sa mga vaccine manufacturer kapag nai-deliver na sa bansa ang bakuna.