Aabot na sa 12 milyong doses ng Sinovac vaccines ang natanggap ng Pilipinas mula sa China.
Sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., ang Sinovac-Biotech ang pinaka-consistent na kumpanya pagdating sa pagpapadala ng kinakailangang bakuna para sa bansa.
Mula sa 17,455,470 vaccine supply na ipinadala sa bansa mula February 28, nasa 68.75% o 12 milyong doses ay CoronaVac jabs.
Sinundan ito ng AstraZeneca na may 2.5 million doses (14.64%), Pfizer na may 2.4 million doses (14.15%), at Moderna na may 249,600 doses (1.43%), at Sputnik V na may 180,000 doses (1.03%).
“Ito ang pinakasteady supply sa ngayon. Sa lahat ng manufacturers, siya ang very diligent at on time,” sabi ni Galvez.
Ang kabuoang vaccine supply ay inaasahang tataas kasabay ng pagdating ng 99,600 doses ng Moderna sa June 29.
Nasa 13,320,800 doses naman ang darating sa Hulyo na kinabibilangan ng 1.17 million doses ng AstraZeneca na darating sa July 5 hanggang 12, at 250,800 doses ng Moderna sa July 12.
Nasa 500,000 doses ng Pfizer ang darating sa July 12.
May darating din na 5.5 million doses ng Sinovac sa susunod na buwan at apat na milyong doses mula sa COVAX Facility.
May paparating din na 800,000 hanggang isang milyong doses mula sa donasyon ng Estados Unidos na posibleng mula sa Johnson & Johnson at 1.1 million doses mula sa Japanese Government.
Sa Agosto, makakatanggap naman ang bansa ng 13.67 million doses na binubuo ng Sinovac, Pfizer, AstraZeneca, Moderna, at donasyon mula sa COVAX facility.