Tuesday, March 10, 2026

68 WANTED PERSONS, NASAKOTE SA ILOCOS REGION

Arestado ang kabuuang 68 indibidwal na may kinahaharap na kaso sa batas matapos magsagawa ng magkakahiwalay na operasyon ang Police Regional Office 1 (PRO 1) sa iba’t ibang bahagi ng Ilocos Region mula March 1 hanggang 7, 2026.

Ayon sa ulat ng PRO 1, bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa mga wanted person sa rehiyon, sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at iba pang law enforcement agencies.

Sa tala ng pulisya, pinakamarami ang naaresto sa lalawigan ng Pangasinan na umabot sa 40 katao. Sinundan ito ng Ilocos Sur na may 12 arestado, La Union na may 11, at Ilocos Norte na may apat.

Kabilang sa mga nadakip ang tatlong Regional Level Most Wanted Persons at apat na Municipal Level Most Wanted Persons. Samantala, ang natitirang 61 indibidwal ay nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng mga kaukulang yunit ng pulisya ang mga suspek habang isinasagawa ang kinakailangang dokumentasyon at iba pang proseso para sa kanilang mga kaso.

Ayon kay PRO 1 Regional Director PBGEN Dindo R. Reyes, patunay ang matagumpay na operasyon ng matibay na koordinasyon sa pagitan ng pulisya, mga lokal na pamahalaan, at iba pang katuwang na ahensya sa pagpapatupad ng batas. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments